ako...at ang puso kong bato
(ikaw…at ang puso mong talaw)
Nandiyan ka, nakaupo sa kanto
Nandito ako, nagbabasa ng libro
Inubos mo na ang oras sa katitingin
Sigaw ng puso, pagmamahal ay maangkin
Kung kaya lang magsalita ng mga mata
Siguro kanina pa ay may narating na
Pero natuwa ka na lang umupo sa sulok
Naghihintay marahil ang dila ay mabulok
Bakit kasi hintay ka ng hintay
Pagmamahal mo’y walang kapantay
Pero sa tulad ko na pusong bato
Hindi man lang mapansin ang pagdaan mo
Tumingin ka na kasi sa kanila
Hanapin ang pagmamahal sa iba
Please lang tigilan mo na ako
Ako… at ang puso kong bato
Isang hapon na ‘di sinasadya
Napatingin sa’yo, napansin kita
Maganda pala ang iyong mga mata
Kaya iniwan ang libro at ikaw ang binasa
Kakaiba itong bagong damdamin
Takot alamin, gustong tuklasin
‘Di mawari, parang may bagyo
Sa puso ko, sa puso kong bato
‘Di mo akalain na papansinin kita
Sa sobra mong kaba, ikaw ay nadapa
At sa nadamang sobrang kahihiyan
Umiwas, tumakas na parang tulisan
Nandiyan ka, nakaupo sa kanto
Nandito ako, nakaharap sa libro
Nagkukunwaring binabasa ito
Pero ang isip ko ay nasa sa’yo
Oh ano ba ang ginawa mo
Bakit ako ngayon ay nagkaganito
Naguguluhan, nalilito
Ang puso ko, ang puso kong bato
Nandiyan ka pa din sa kanto
Nandito ako, nagbabasa ng libro
Naghihintay na sana ay mapansin
Lapitan, tanungin at kausapin
Maraming gustong sabihin sa ‘yo
Maraming mga tanong at kwento
Bakit ba at paano nagkaganito
Ang puso ko, ang pusong bato
Umaasa na kahit lang sa isang sulyap
Matupad ang aking mga pangarap
Ano nga ba ang pwede kong gawin
Para kahit saglit, ika’y mapasaakin
Bakit mo ba ako ginaganito
At ang puso ko, ang pusong bato
Wala ng nasa isip kundi ikaw
Ikaw…at ang puso mong talaw!
[su] I think this is a joke. I just heard something and it inspired me to write this poem in less than 15 minutes. Partly, this speaks of me. Probably, I was so much like this before. But not anymore. This is just for fun.
April 19, 2007 14:20; skye
April 19, 2007 14:20; skye

No comments:
Post a Comment